Lutang

Lumilipad
na tulad ng ibon
ang isip ko.

Isdang napatatangay
sa hampas ng alon.

Parang dahong
malayang isinisiklot ng hangin.

Marahil dahil naalala kita
O sabihing pilit na inaalala

Gayunman
     hindi pa rin
          maipinta sa isip

ang iyong mukha.

Nakapanghihinayang
     O wala namang dapat panghinayangan
Dahil nalisya ka ng landas
at napalayo sa amin?

O marahil dapat ngang manghinayang
      dahil sa pagkalisya mo naging palaboy
ang iyong mga inakay?

O dapat na walang pagsisisi…
Dahil iyan ang pinili mong buhay.

Leave a Reply