At Ikaw ay Namahinga

Kay tatay… kahit hindi tayo nagkita… nalalaman mong kahit paano, may pagibig pa rin ako sa iyo.

Nabalitaan kong namahinga ka na
matapos ang mahabang panahon
ng iyong paglalagalag.

Pumikit na rin ang malalabong mata
na hindi man lamang
sa aki’y naitingin.

Tumikom na ang lipaking palad
ang wala nang lakas na mga bisig
Na minsa’y ‘di naihipo sa akin.

Hindi na maigagalaw
ang paa, binti, hitang lagalag
para bagtasin ang landas papauwi sa atin

Sa mga ugat mo, di na dumadaloy
mainit, sariwang dugo
na kung titingnan, dumadaloy din sa akin.

Tumigil na ang daloy ng liwanag sa diwa
at huminto ang pagtibok ng puso
Wala na rin ang pagibig, ang malamig na pagsuyo.

Tuluyang nagsara ang utak
Upang di na muling mabuksan
ang natatagong baul ng mga alaala.

Ngayon nga, namahinga ka na -
pamamahingang walang hanggan
sa paghimlay mo, kapayapaan.

Para kay Renato Reyes Barcelona (Abril 30, 1946 - Setyembre 2, 2006)

Leave a Reply