Marami akong natutunan ngayon
Marahil matagal lang akong nakatulog. Mabuti na lang at matiyagang magbantay ang pinakamamahal ko at ang mga nagmamahal sa akin. Matiyaga rin silang umaantabay sa lahat ng mga nagaganap na pagbabago sa buhay ko.
Hindi madali ang magising. Hindi rin naman madali ang makatulog. Lalong mahirap tumayo kapag nanghihina ang mga tuhod mo. Walang lakas ang sakong mo. Walang tatag ang binti at hita mo. Mabuti na lang, matiyaga silang umantabay.
Marami akong natutunan ngayon:
1. Mas marami tayong nalilikhang kaaway kaysa kaibigan. Subalit, sa takdang panahon, magiging kaibigan mo ang mga naging kaaway mo.
Kung kailan ang panahong iyon, panahon din ang nakakaalam. Hindi para tayo ang magsabi kung ano ang magiging bukas bagaman puwedeng paghandaan iyon.
2. Na ang sakit ng loob ay hindi na rin mararamdaman kapag matagal nang nag-uukok. Pero ‘di kayang papaghilumin ang pilat ng mga kahapon.
Mainam na rin. Maalala mo ang mga pagkakamali mo at hindi mo na (sana) mauulit pa.
3. Mas matuto ka sa pagkakamali. Ngunit, sakit ang paulit-ulit na pagkakamali.
Kailangan din sigurong may nagbabantay. Kailangan talaga. Para di na maulit ang mga katangahan.
4. Mas mahal ko na ngayon ang mga bagay na alam kong mahalaga. At mas pinahahalagahan ang mga dapat ituring na mas mahalaga.
5. Mas naniniwala na ako sa hindi nila pinaniniwalaan.
Mahiwaga nga ang buhay. Pero hindi lahat ng hiwaga walang paliwanag. Hindi ipinagkaloob ang pag-iisip para hindi gamitin. At ang pandama para hindi paunlarin.