Archive for December, 2005

Pagmumuni-muni

Monday, December 26th, 2005

Patapos na naman ang taon at marami akong bagay na naalaala. Bukod sa hirap at dusa ng buhay na ito, bukod sa lungkot at saya: naalala ko ang mga taong minsan ay naging malapit, malayo at "nag-aalanganin" sa akin.

Maraming pagkakamali ang nagagawa ng isang mortal. At dahil isa akong mortal, marami rin akong pagkakamaling nagawa. Mga pagkakamaling gusto nating tuwirin kahit hindi na natin maibabalik ang mga nabaluktot gaya nang dati. Sa dati nitong anyo, sa madaling salita.

Sa mga pusong nasaktan, sa mga pride na tila natapakan o talagang tinapakan - sinadya man o hindi at sa mga pagkakamaling hindi ko nalalamang nagawa ko - sana ay maging bahagi na lamang ito ng mga nakaraan. Kung hindi marunong lumimot, huwag na lamang sanang magkrus ang ating mga daan. Mahirap ang away. Mahirap na masangkot sa gulo. Kaya patawad sa lahat ng mga nasaktan ko, nagawan ng kasalanan - sinadya man o hindi; maging sa mga taong nalimutan ko na. Talagang mahirap ang maging tao.

Kung ayaw na nating alalahanin pa ang mga bagay na nagawa sa atin, kalimutan na lamang natin. Gaya ng gusto kong paglimot sa lahat ng mga alaalang sumusugat, humihiwa at nagnanaknak sa kaibuturan ng aking pagkatao. Bagaman, nalalaman kong hindi kailanman nawawala ang pilat sa puso. Pero nananalangin ako na sana’y sa muling pagniniig, magpapanibagong sigla ang init ng simpatya at ng pagmamahal… kung mayroon man. Dahil isang mahirap na estado ng buhay ang maramdaman hindi ka na minanamahal.

Sa mga naglayo ng dahil sa akin - ipinapanalangin ko na nawa’y bumalik sila sa inyo. O kung hindi man, magkaroon ng makakasama sa buhay nang pangmatagalan. (Mahirap nga lamang mapagsino ang sino at mapagtanto ang kung alin at alin ang hindi.)

Walang pangangakong magaganap. Kikilos na lamang ako sa pamantayang nagtatakda ng kung ano ang dapat ikilos.

Muli, sa mga taong nasaktan ko at nagawan ng pagkakamali, buong pagsisisi akong humihingi ng tawad. Nasa sa inyo kung igagawad ang tawad o hindi. Ang mahalaga sa akin, nasabi ko kung ano ang dapat kong sabihin - walang labis, walang kulang.

Isang bagay na lamang: Sana sa susunod na taon, dumaan man tayo sa hirap at sanglibong sakit ng loob - manatili nawa ang pag-asa natin sa isang maganda at kaaya-ayang buhay. May pamamaraan para masolusyonan ang lahat. At ito ang pagharap natin at pagkilala sa lakas at kahinaan ng mga inangking sarili at totoong sarili. Maging aral ang bawat pagkakamali. Muling repasuhin ang lahat ng mga nagawa at siyentipikong busisiin ang detalye. Mula roon, humango ng isang nakapagpaparunong na aral.

Sa puntong ito, isang pagbati - taos-sa-puso - ng isang Maligayang Pasko at Masaganang Bagong Taon sa Lahat!!!