Gusto kong mapanood ang pagdadalaga
Saturday, November 19th, 2005Basta, kailangang makapanood ako ng sine… at kailangan talaga… talagang kailangan…
Basta, kailangang makapanood ako ng sine… at kailangan talaga… talagang kailangan…
NAKITA ko na karamihan pala sa mga naririto sa lugar na ito ng WWW (worldwide web) ay hindi ko talaga kakilala. Na nagkainteres lamang akong idagdag sila rito sa sangkatutak na ‘kaibigan’ ko rito dahil sa mga sumusunod ng dahilan:
[1] kakilala sila ng mga kakilala ko
[2] kainti-interes ang kanilang mga profile (na hindi ko rin alam kung totoo o hindi)
[3] nagandahan o naguwapuhan ako sa kanila
[4] o talagang idinagdag ko lamang sila dahil gusto kong dumami ang tao rito.
Pero hindi naman nangangahulugan na ieetsapuwera ko sila bilang mga kaibigan. Hindi man sila nahahawakan o nakikita - sa palagay ko naman, may realidad naman sa kabilang linya na maari kong maabot, makita at madama.
***
NITONG nakaraang linggo, punum-puno ng problema (nga ba?) ang utak ko. At ang lahat iisa ang ugat: pinansiyal. Naalala ko tuloy na papalapit na ang pasko. Malamig na ang simoy ng hangin, may nagpapatugtog na ng mga kantang pamasko. Pero ang masaklap butas pa rin ang bulsa ko!
Umaasa naman ako na magiging maligaya at masagana ang Pasko basta marunong ka lamang na gumawa ng paraan at hindi naman siguro ako pababayaan ng Diyos, mga kasama at kaibigan ko.
***
MAY isa akong balakin na talagang dapat matuloy. Pero sa akin na lamang muna iyon.
***
Kailangan kong maiprint ang mga dokumentong kailangan ko. Ah basta… ah basta… kailangan ko na talagang magpahinga.
OFW Paninda hindi Tao
Noel Sales Barcelona
Umabot sa US$7.6-Bilyon ang
salaping tulong ng walong milyong Pilipinong nagtatrabaho sa ibayong dagat. Ang
kontribusyon ng mga OFWs (overseas Filipino workers) sa ulat ng Bangko Sentral
ay sumasakop sa buwan ng Enero hanggang Agosto 2005.
Sanhi ng tumitinding kahirapan,
maraming Pilipino ang nakikipagsapalaran sa ibang bansa para matustusan ang
sarili at ang mga mahal sa buhay.
Produktong panluwas
Sa unang 10 buwan pa lamang ng kasalukuyang
taon, nasa 800,000 na ang Pilipinong lumabas ng bansa. Nakakalat ang mga ito sa
mahigit 170 bansa bilang mga katulong, manggagawa sa pabrika, propesyunal na
tagapag-alaga, atbp.
Ayon sa Migrante-Southern
Tagalog, 3,000 kababayan natin ang araw-araw na umaalis ng bansa sa pag-asang
giginhawa ang kanilang pamumuhay.
Umiral ang malawakang pagluluwas
ng lakas-paggawa (labor export) sa bisa ng Presidential Decree No. 442 (Kodigo
sa Paggawa) noong 1974.
Sa Artikulo 17 ng Kodigo itinadhana ang pagtatatag ng isang Overseas
Employment Development Board na mamatnugot sa pag-eempleyo ng mga Pilipino sa
ibang bansa. Dahil hindi makayanan ng gobyerno na makalikha ng kumikitang
trabaho, iniasa nito sa pagluluwas ng lakas-paggawa ang kabuhayan ng bansa.
Dahil mahusay pagkakitaan,
pinag-ibayo ng gobyerno ang programa ang pagluluwas ng lakas-paggawa sa dikta
na rin ng makapangyarihang WTO (World Trade Organization).
Kung susuriin ang MTPDP (Medium
Term Philippine Development Plan 2004-2010) ni Pangulong Gloria
Macapagal-Arroyo, pangunahing solusyon ang pagluluwas ng lakas-paggawa sa lumalalang
disempleyo sa bansa.
Malinaw na nakasaad sa MTPDP ang
pagpapabuti diumano ng relasyong manggawa-nag-eempleyo at pagpapabuti ng kapakanan
ng paggawa sa bansa at sa ibayong dagat; pagbibigay daan sa mga Pilipino para makapasok ang mga ito kapwa sa
lokal at internasyunal na merkado ng paggawa at pagsusulong ng pleksibleng
paggawa at kasunduan sa pag-eempleyo na nakabatay sa kahingian ng
paggo-globalisa ng merkado ng paggawa na malawakan nang isinasagawa ngayon sa
pamamagitan ng sub-contracting at outsourcing.
Kumikitang ‘produkto’
Katumbas ng 11% ng GDP (Gross Domestic Product) ng bansa ang mahigit
sa US$7-B kita ng mga OFW. Inamin mismo ng Bangko Sentral na nakaasa sa
padalang dolyar ng mga OFW ang patuloy na pag-andar ng kabuhayang bansa.
Noong nakaraang taon, malaking
salik ang US$5.5-B na naipadala ng mga OFW para hindi tuluyang bumagsak ang
piso.
Sa kabila nito, patuloy ang
ginagawang pagpapabaya ng gobyerno sa mga OFW lalo na sa talamak na kaso ng mga
pang-aabuso, pagmamalupit at pagpatay sa mga OFW.
Mula 2002, nasa 14 nang kaso ng
misteryosong kamatayan ng mga Pilipinang OFW ang naitala ng Migrante. Bukod pa
sa libu-libong kaso ng pagmamaltrato, pagkulong at panggagahasa. Kabilang din
dito ang pagpupusling (trafficking) ng mga kababaihang ibinibenta bilang
‘mang-aaliw’.
“Ni hindi natin maasahan ang
gobyerno na mag-abot man lamang ng tulong sa mahigit walong milyong Pilipinong
nasa ibayong dagat na nagbibigay ng bilyun-bilyong dolyar sa kaban-yaman ng
bansa na nagsasalba sa tuluyan nitong pagbagsak,” sabi ni Maita Santiago, pangkalahatang
kalihim ng Migrante.
‘Pagbebenta’ ng Tao
Bagaman sinasabi ni Kalihim
Patricia Sto. Tomas na hindi itinuturing ng gobyerno na produkto ang mga
lumalabas na OFW tulad ng sinabi niya sa International Conference on Women
Shaping Democracy—Progressive Politics 10 Years After the The World Conference
in Beijing noong Oktubre 24-26, 2005 sa Ortigas, Pasig City, lumilitaw na talagang
pinag-iibayo ng gobyerno ang polisiya sa labor
export para kumita.
Pinatunayan ito sa kauna-unahang
International Labor Opportunities Summit na ginanap sa Philippine International
Convention Center, sa pangunguna mismo ng DOLE.
Layunin ng pagtitipong iyon ang
“pagpapalawak ng merkadong maaring pagdalhan sa lakas-paggawa na mga Pilipino sa ibayong dagat” (sa may-akda ang pagbigay-diin).
Bahagi ito ng DOLOP o DOLE labour
opportunities program na itinuturing na pangunahing programa sa paggawa ng
naturang ahensiya.
Sa Ministerial Meeting on Labor
ng APEC (Asia Pacific Economic Cooperation), pormal na pinagkakasunduan ang pagkalakal sa tao bilang mga produkto na
kung tawagin nila ay Internationally-Shared
Human Resource. Dito inihahapag ang mga katangian ng lakas paggawa na
kailangan ng mga mayayamang bansa at ang mga kaakibat na mga dikta at kondisyon
ng mga ito para sa mga bansang nagluluwas ng mga manggagawa tulad ng Pilipinas.
Dulot nito, binuksan ng DOLE ang pinto nito sa mga bansang sakop ng Asya, Amerika, Oceania, at Europa.
Sa darating na Nobyembre 17-19,
makikipagpulong si Pangulong Arroyo sa mga kinatawan ng APEC bilang paghahanda
sa darating na pagpupulong WTO (World Trade Organization) sa Hong Kong sa
darating na Disyembre 11-18, 2005 para pagtibayin ang kasunduan sa kalakalan ng
tao.
Katunayan,noon pa mang 2003, hinihimok na ng mga malalaking
negosyante ang gobyerno na ipasok ang propesyonal na serbisyo sa pakikipag-usap
nito sa GATS (General Agreement on Trade in Services) sa ilalim ng WTO.
Hindi pa nga lamang nakaiipon,
ayon kay Sergio Ortiz-Luiz ng Philippine Exporters Confederation (PhilExport)
at tagapangulo Export Bank, ng lakas ng loob ang gobyernong makipagnegosasyon
sa WTO sa bagay na ito.
Kung matutuloy ito, lalong
lalawak ang pagsasa-produkto ng mga lakas-paggawa ng mga Pilipinong matagal
nang marawal ang pamumuhay, dito at maging sa ibang bansa.
————————-
First appeared in Pinoy Weekly Vol. 4 No. 43 (November 16-22, 2005)
Can be read online: http://www.pinoyweekly.org/
Ilang beses ko nang sinubukang repasuhin ito pero bigo ako dahil… nauubusan ako ng Ingles! Pero huwag kayong mag-alala… mag-aaral ako! har-har-har!
Kapamilya ng OFWs sa
UP
Gaganapin ngayong Nobyembre 19 sa
Unibersidad ng Pilipinas-Diliman ang “1st National OFW (Overseas
Filipino Worker) Dependents Summit” para talakayin ang mga suliranin at
kabuuang sitwasyon ng kanilang mga magulang sa ibayong dagat.
Bubusisiin sa pagtitipon ang
patakarang pinaiiral ng DOLE (Department of Labor and Employment) sa
pamamagitan ng OWWA (Overseas Workers Welfare Administration) hinggil sa labor
export (pagluluwas ng lakas-paggawa) lalo na ang kontrobersiyal na OWWA Omnibus
Policies. Bibigyang linaw din ang nagaganap sa P8-Bilyong OWWA Scholarship
Funds at iba pang benepisyong dapat matanggap ng mga anak ng OFWs.
Tatalakayin din ang diumano’y
kapabayaan ng DFA (Department of Foreign Affairs) na tulungan ang mga inabusong
OFW, iba’t ibang porma ng pandarahas at pambubusabos ng mga among dayuhan sa
mga OFWs.
Isasalang din sa talakayan ang
patakarang pangkabuhayan ng administrasyong Gloria Macapagal-Arroyo na nagiging
sanhi ng pag-alis ng libu-libong Pilipino patungong ibang bansa para
maghanapbuhay.
Nasa 3,000 ang umaalis ng bansa
araw-araw para magtrabaho sa ibang bansa dahil sa hirap ng buhay dito sa
Pilipinas.
Para sa detalye, makipag-ugnayan
kay Richard Evangelista sa cellphone no. 09192773731 o tumawag sa Migrante
International Office, 926-2838. (Noel Barcelona)
I asked a friend of mine to join me watching the movie "Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros", the first ever "real" gay film that I am going to watch. Whenever there is a gay and lesbian film festival, I don’t have the money to watch it.
Kaya nga, ito… kailangang magipon ng panood ng sine. Watch ninyo siya… maganda daw talaga sabi ng kaibigan kong taga-KMU. =)
Sino ka nga ba, Magdalena?
Kay Julie Anne,. ang batang kaylambing at kay Lovely,. ang kagandahang kaylungkot…
Para sa inyo ito.
Magdalena, ano nga ba ang hitsura ng iyong mukha?
- makinis na balat
- mala-rosas, maburok na mga pisngi
- matangos na ilong
- malantik na pilik
- mapupungay na mata (subalit may lungkot)
- mga labing mapula
Ano nga ba ang hubog mo oh, Magdalena?
- malusog, tayung-tayong mga suso
- marosas-rosas, nangungutim na mga utong
- maliit na baiwang
- maarkong balakang
- matambok na puwitan
- mabibilog na mga hita
- magagandang binti
- bagamundong mga paa
Ano ang halimuyak mo, oh Magdalena?
- samyo ng mabining pabango
- bula ng serbesang nakapagpapalango
subalit sumusugat sa pakiramdam
- usok ng sigarilyong ayaw magpatulog
sa balisa mong utak
- tamod ng lalaking sumiping sa iyo
subalit walang pagkakakilanlan
Subalit sino ka nga ba, mahal kong Magdalena?
- Isang pagkataong hindi kilala
- Kumakalam na sikmurang walang mailaman
- Pusong gutom sa wagas na pagmamahal
- Espiritung uhaw sa paglingap
- Patak ng luha sa pisngi sa gabing walang katabi
- Niyayapos sa panahong lasing
subalit nilalayuan ‘pag diwa’y nagising.
- Wasak na mga pangarap
- Mapait na alaala ng madilim, tinatakasang kahapon
- Babaing hindi babae
- Laruan (?)
- Tao.
Minsan Pa
Muli tayong nagtagpo
Sa mumunting sulok
Kung saan hinahabi natin
ang ating mga pangarap,
inaalala ang mga kabiguan
Na nagpapaantak
sa mga sugat sa dibdib.
Nagpapabalik sa mga
alaalang miminsan na nating nilimot
subalit parang mga bangkay
na naaagnas sa ating mga isip
na nagsusumiksik sa isang sulok
ng puso.
Kung saan muling
pinagtatagpo at pinagsusugpong
ang ating kaluluwa
ang ating diwa
ang ating puso
Kahit pa sabihing iilang saglit
katumbas naman ay kaytagal
parang walang katapusan.
Minsan pa, muling sinambit
ang mga salita ng pagmamahal
ng pagibig na marupok
na tangan natin sa ating mga palad:
pilit na isinasalba ng mga pangako
at mga sumpang hindi alam
kung maisasakatuparan ba.
Alam naman natin, minsan
na napakaramot ng panahon
at laging nagtatampo ang tadhana.
Lalo na sa atin: Mga pusong sugatan
Mga kaluluwang gulanit
Mga espiritung uhaw sa
tunay na pagkalinga
(Dahil malaon na ring
ipinagdamot natin
sa ‘ting mga sarili -
sa iba’t ibang kadahilanan).
Muli pa, minsan pa
Sa pagsusugpong
ng diwa sa diwa
ng kaluluwa sa kaluluwa
ng espiritu sa espiritu
Binabawi ang nagtampong lakas
Muling pinanariwa ang lagas
na tangkay ng bulaklak
Nang laging nauunsiyaming pag-ibig.
Sapagkat nananatili ang pag-asa
Habang kaya pang yapusin
ng ating mga bisig ang isa’t isa
Habang kaya pang paglapatin
ang labi ng isa’t isa
Habang kaya pang laruin
sa diwa ang mga larawan
Na itong munting sulok
na ating pinagtatagpuan
ay mananatili
kahit bawian ng liwanag
ang ating mga paningin.